Wednesday 5 November 2014

Banyagang Pag aaral


                Ayon sa pag-aaral, kapag ang mag-aaral ay aktibong nakikilahok  sa proseso ng pagkatuto, may pagbabagong nagaganap sa kanilang pagkatuto at pag-uugali. Ngunit sa kombensyonal  na sitwasyon, ang mga mag-aaral ay hindi nakikilahok nang 20% (Osterman, 1982:23). Kung kaya, ang paggamit ng modyul ay iminungkahi bilang alternatibo sa pagtuturo.
                Ayon sa isinagawang pag-aaral ni Mahenge patungkol sa paggamit ng modyul (1992.401-A, natuklasan niyang mas mataas ang nakuhang marka ng mga mag-aaral na tinuruan sa tulong ng modyul kaysa doon sa mga nag-aaral nang Malaya. Ayon naman sa pag-aaral ni Turner (1990:36702-B) at Hart (1988:2893.B) sa ebalwasyon kung epektibo ang ginagamit nilang modyul, natuklasan nilang nadagdagan ang kaalaman ng mga mag-aaral na sumailalim sa pagtuturong ginamitan ng modyul.
                Mahalagang pumili ng angkop na kagamitan para sa modyul upang maganyak at maituro nang maayos ang mga aralin. Ang nilalaman ay dapat makisabay sa mga pagbabago at madaling maunawaan ng mga mag-aaral ang bawat konsepto (Nussell, 1976:39).
                Kailangan epektibo ang gagamiting materyales upang madaling maunawaan ang konsepto sa simpleng paraan. Ayon kay Plaza (1995), kailangang taglay ng isang modyul ang mga sumusunod na katangian:
a. matamo ang mga layunin
b. malinaw at nauunawaan ang modyul
c. tiyak at magkakaugnay ang nilalaman ng modyul
d. angkop ang wika sa mga taong gagamit nito
e. eksakto, nagagamit at bago ang nilalaman ng modyul
f. nakasasabay sa mga kasalukuyang nangyayari sa lipunan

                Maraming paraan sa paggawa ng modyul.  Ayon kay Thompson (1978), ang modyul ay kagamitan sa pagtuturo na nakatuon sa mga layunin sa pag-uugali, may mga panutong dapat sundin ng mag-aaral, unti-unting paglalahad ng aralin, aktibong pakikilahok ng mag-aaral, nagbibigay ng puna patungkol sa pag-unlad ng kaalaman at idinesenyo upang gamitin nang malaya. 

No comments:

Post a Comment