Wednesday 5 November 2014

Sputnik Sweetheart (Pagsusuri ni Anna Roxane Andrade)

Andrade, Anna Roxane A.                                                 G. Alden Jerome Mamaril
BSED Filipino 4-1                                                                Oktubre 22, 2014

1. Panimula
            Sa nagdaang mga taon, naging tanyag ang nobela sa buong mundo. Sumibol ang mga manunulat ng nobela at naging popular sa iba’t ibang kontinente. Ayon sa kilalang nobelista sa ating bansa na si IƱigo Ed. Regalado, ang nobela ay isang akdang likha ng guni-guni o maaaring tunay na pangyayari na ang layunin ay magbigay aliw sa mga mambabasa. Kaya naman marami ang nawiwili sa pagbabasa nito dahil bukod sa nakakaaliw, hango sa tunay na pangyayari kaya maaaring kapulutan ng aral.
            Sa Japan, isa sa pinakatanyag na nobelista si Haruki Murakami. Ang kanyang mga likhang nobela ay umani ng maraming parangal mula sa kanilang bansa pati na rin sa ibang panig ng mundo. Ilan sa mga ito ang World Fantasy Award (2006), Frank O’Connor International Short Story Award (2006), Franz Kafka Prize (2009). Nagsasalin rin siya ng mga akdang pampanitikan na nakasulat sa Ingles patungo sa Niponggo.
            Nakagisnan ni Murakami ang Kanluraning kultura partikular ang musika at literature. Mula pagkabata ay nagbabasa na siya ng iba’t ibang akda ng mga Amerikanong manunulat tulad nina Kurt Vonnegut, Richard Brautigan, at Jack Keruac. Ito ay nakaimpluwensya sa estilo ng pagsulat ni Murakami.
            Nagsimula siyang magsulat noong dalawampu’t siyam na taong gulang . Aniya, “Hindi talaga ako nagsusulat, isa lamang akong ordinaryong tao, nagpapatakbo ng isang club at hindi talaga ako lumilikha ng anumang akda”. Isinulat niya noong 1979 ang kanyang kauna-unahang nobela, ang Hear the Wind Sing. Naging inspirasyon niya sa pagsulat nito ang napanood na laban ng baseball. Noon niya naunawaan na kaya pala niyang sumulat ng nobela. Mahabang panahon ang ginugol niya sa pagsulat at nang matapos, inilahok niya ito sa isang patimpalak. Hindi siya nabigo dahil nagkamit ito ng unang karangalan. Nahikayat si Murakami na magsulat pa ng nobela dahil sa nakamit na tagumpay. Sa mga sumunod na taon, patuloy siyang umani ng mga parangal.
            Ang nakamit na mga pagkilalang ito ay patunay kung gaano kahusay na nobelista si Murakami. Napagpasyahan kong suriin ang isa sa mga nobela niya, ang Sputnik Sweetheart upang masipat ang katangian ng mga tauhan, estilo ng paglalahad at iba pang elemento nito. Karagdagan pa, naniniwala akong mainam na masuri ang katha ng isang tanyag na manunulat upang malinang ang kritikal na pag-iisip ko bilang mag-aaral at bilang guro sa hinaharap.

1.1 Maikling Buod
            Si K, ang tagapagsalaysay ay isang guro. Umiibig siya kay Sumire na isang manunulat. Samantala, si Sumire naman ay may gusto sa amo niya, si Miu. Naging magkatrabaho sina Miu at Sumire, bahagi ng kanilang trabaho ang paglalakbay sa iba’t ibang bansa. Napagpasyahan nila na magbakasyon sa Gresya. Ipinagtapat niya ang kanyang pag-ibig kay Miu ngunit dahil sa nakaraan ni Miu, hindi niya kayang suklian ang pagmamahal nito. Umalis si Sumire, labis na nag-alala si Miu kaya tinawagan niya si K upang pumunta doon. Sa pamamalagi doon ni K, binasa niya ang dalawang dokumento na ginawa ni Sumire. Naliwanagan siya sa mga nalaman niya. Hindi nagtagal, nagdesisyon siyang bumalik ng Japan. Matagal niyang hinintay ang pagbabalik ni Sumire, hanggang makatanggap siya ng tawag mula rito. Malapit daw siya sa tinitirahan ni K, ngunit hindi niya sinabi ang eksaktong lokasyon.

1.2 Layunin
            Ang bawat akdang pampanitikan ay nararapat na bigyang pagpapahalaga. Tiyak na pinaghirapan at pinag-isipang mabuti ng may-akda ang mga elemento ng kanyang katha. Mahalagang malaman ng mga mambabasa ang mga tauhan, mga pangyayari at iba pang bagay na may kaugnayan sa nobela. Kaya naman makikita sa papel na ito ang pagsusuri ng nobelang Sputnik Sweetheart ni Haruki Murakami gamit ang ikalawang balangkas mula kay Propesora Nenita Papa. Ito ang pinili ko dahil angkop ang balangkas upang masuri ang iba’t ibang aspekto ng isang nobela.

1.3 Balangkas Teyoretikal
 




            Nakasalig sa teoryang siko-analitiko ang balangkas na ito. Ipinakilala ni Sigmund Freud ang teoryang ito. Ipinapakita ng dayagram sa itaas na maraming salik na nakaaapekto sa pagkilos ng isang tao tulad ng karanasan ng pagkabata, pagiging inosente, sexual at aggressive drives pati na rin ang defense mechanism.

2. Pagsusuri

I. Sputnik Sweetheart ni Haruki Murakami

II. Buod
            Si Sumire ay naghahangad na maging manunulat, ang tagapagsalaysay at protagonista sa nobela, si K. Si K ay isang guro sa elementarya, dalawampu’t limang taong gulang at may gusto kay Sumire kahit pa hindi niya ito ipinagtapat. Sa kasalan, may nakilala na Koreana si Sumire, si Miu. Siya ay mas matanda sa kanya ng labimpitong taon. Nagkausap sila at naramdaman ni Sumire na parang nahuhulog na ang loob niya sa babaeng nakilala. Ito ang unang pagkakataon na nakaramdam siya ng pagnanasa sa ibang tao. Nang magtagal, niyaya ni Miu si Sumire na magtrabaho para sa kanya at pumayag naman si Sumire. Magmula noon ay kapansin-pansin ang pagbabago  ni Sumire: nagsusuot na siya ng magagarang damit, nagkaroon ng magandang tirahan at tumigil sa paninigarilyo.
            Hindi nakakalimot si Sumire na sulatan si K. Kahit nasa ibang bansa ay nagpapadala pa rin siya ng mga liham upang makibalita. Dahil sa mga liham, natutukoy ni K kung nasa anong  lugar na ang paglalakbay nina Miu at Sumire dahil sa pag-aasikaso sa negosyo. Sa huling liham na ipinadala ni Sumire, binanggit niyang magbabakasyon sila ni Miu sa isang isla sa Gresya. Hindi nagtagal, tumawag si K upang malaman kung kailan siya babalik ngunit hindi sila nagkausap, ang narinig lamang niya ay ang sagot mula sa makina.
Isang araw , nakatanggap si K ng tawag mula kay Miu. Inutusan siya nitong pumunta sa lugar na kinalalagyan nila dahil may nangyari kay Sumire. Hindi na masyadong nagpaliwanag si Miu, ang malinaw lamang ay kailangan niyang makarating sa lalong madaling panahon. Mahina ang signal at kaagad na naputol ang tawag.
            Magsisimula na ang panibagong taong pang-akademiko nang panahong tumawag si Miu. Alam niya kung gaano kahalagang makapagturo siya sa mga bata ngunit pinili niya si Sumire. Nang sumunod na araw ay umalis na siya. Iyon ang unang pagkakataon na nakaharap niya si Miu. Kaagad niyang ipinagtapat kay K na nawawala si Sumire. Nagkuwento si Miu sa  mga naunang pangyayari at iniisip niyang mabuti kung ano nga ba ang dahilan ng pagkawala ni Sumire. Sa kabilang banda, natutuwa si Miu sa pagdating ni K, ngunit nag-aalala pa rin siya kay Sumire na baka nagpakamatay ito. Sinabi naman ni K na hindi siya ganoong uri ng tao na magagawang tapusin ang kanyang buhay. Umalis si Miu at pumunta ng Athens upang humingi ng tulong sa embahadang Japan at matawagan ang mga magulang ni Sumire. Nanatili si K sa islang iyon at patuloy na iniisip ang kanyang minamahal. Naalala niya ang sinabi ni Miu patunkol sa dokumento na isinulat ni Sumire. Kaagad niyang hinanap ang kompyuter ni Sumire at ang diskette na naglalaman ng dalawang dokumento. Ang una ay naglalahad patungkol sa ikinuwento ni Miu sa kanya kung anong pangyayari ang nakapagpabago sa kanya labing-apat na taon na ang nakalilipas. Inunawa niya ang mga nakasulat doon at naisip niyang marahil ay umalis siya dahil may gusto siyang hanapin. Nang gabing iyon ay nagkaroon siya ng kakaibang karanasan sa kanyang pamamasyal sa isla. Bumalik si Miu sa islang iyon makalipas ang ilang araw. Nagdesisyon si K na umalis sa lugar na iyon kahit pa maganda naman ang pakikitungo sa kanya ni Miu. Bumalik siya sa Japan at ipinagpatuloy ang pang-araw-araw na buhay. Dahil sa pagkawala ni Sumire, pakiramdam niya’y nawala rin ang pinakamahalagang bagay sa buhay niya.
            Muli siyang nakatanggap ng tawag, ito’y mula sa kanyang nobya na ina ng isa sa kanyang mga estudyante. Sinabi niya na ang kanyang anak na si Carrot ay nahuling nagnanakaw sa isang pamilihan. Nagpapatulong siya kay K na hikayatin ang guwardiya na pakawalan ang anak niya at huwag nang nagsumbong sa mga pulis. Nahirapan magdesisyon ang guwardiya dahil hindi nagpakita ng anumang pagsisisi ang bata sa nagawa niyang krimen at dahil na rin sa biglang pagsulppot ni K. Matapos ang mahabang pag-uusap sa pagitan ng guwardiya at ni K, pinakawalan din ang batang si Carrot. Pinauwi na niya ang kanyang nobya, naiwan sa kanya si Carrot at nagpunta sila sa isang kapehan. Hindi nagsalita ang bata sa mga oras na magkasama sila. Gayunpaman, ikinuwento niya ang tungkol kay Sumire. Pagkatapos ay iniuwi na niya ito sa kanyang ina at sa pagkakataong iyon ay nakipaghiwalay siya sa nobya at sinabing iyon na ang huli nilang pagkikita. Nagpatuloy siya sa buhay nang mag-isa. Makalipas ang mahabang panahon, muli niyang nakita si Miu lulan ng isang sasakyan ngunit hindi siya nito napansin. Matagal na naghintay si K sa pagbabalik ni Sumire, hanggang isang araw tumawag ito sa kanya. Medyo nagtampo si Sumire sa isinagot ni K. Nagtanong siya kung nasaan ito ngunit hindi siya sumagot, sa halip nangako lamang ang si Sumire na tatawag siya ulit.

III.

A.   Uring Pampanitikan
Ang Nobela bilang akdang pampanitikan
            Ayon kay Mayos (2009), ang nobela ay isang akdang pampanitikan na nagtataglay ng maraming ligaw na tagpo. Tinatawag din itong katham-buhay. Katha sapagkat hinabi ang panulat. Nilikha ito ng manunulat ayon sa kanyang  pananaw na dapat na maging anyo ng paksang tinatalakay. Buhay naman sapagkat ang isinasalaysay ay batay sa mga tunay na pangyayari. Maaaring sinaliksik o mula sa panayam ng isang tao ang mga inilalahad.


B.   Estilo ng Paglalahad
            Ang manunulat ay pumili ng estilo na angkop sa daloy ng pangyayari sa kuwento. Ang nobela ay gumamit ng unang panauhan sa paglalahad ng pangyayari. Ito ay isang malaking hamon para sa isang manunulat kung paano niya maihahatid nang malinaw ang bawat mensahe. Pagkatapos kong mabasa ang nobelang ito, walang duda na mahusay na naipakita ni Murakami ang kanyang galling sa pagsulat. Nangangailangan ng pokus at pag-iisip upang lubos na maunawaan ang kuwento.
            Ito ay kuwento ng pag-iibigan na umiikot sa  tatlong pangunahing tauhan sa kuwento; una, ang tagapagsalaysay na umiibig sa ikalawang karakter na si Sumire at si Miu na siya namang gusto ni Sumire. At ang mas nagpatingkad sa kuwento ay ang pag-ibig na nararamdaman ng karakter na babae sa kapwa niya babae. At dahil ang estilong ginamit ay pagsasalaysay ng isa sa mga pangunahing tauhan, habang nagkukuwento siya ng kanyang buhay, inilalahad niya rin ang buhay ng dalawa pang karakter. Ngunit lagi pa rin nating alalahanin na iisang tao lamang ang nagkukuwento at iyon ay si K.
            Habang tumatagal ang aking pagbabasa, paganda nang paganda ang pangyayari at nagkakaroon ng tanong sa isipan ng mambabasa kung ano nga ba ang nagaganap sa buhay ng bawat karakter. Sa huli, ang mambabasa ang magpapasya kung ano-ano sa mga inilahad ang totoo at alin ang hindi totoo.
            Sa kabilang banda, maaaring magkaroon ng maling kongklusyon ang mambabasa dahil na rin sa estilong ginamit ng manunulat, kaya kailangan nating magpokus upang maunawaan nang mabuti ang kuwento.




C. Mga Tayutay

1. Simile o Pagtutulad- ito ay hindi direktang paghahalintulad ng dalawang magkaibang tao, bagay, hayop o pangyayari. Gumagamit ng mga salitang parang, katulad ng, kaparis ng, tila at iba pa.
Mula sa kuwento: Si Sumire ay naglaho na parang usok.
Paliwanag:
            Inihalintulad ang pagkawala ni Sumire sa usok. Alam naman natin na ang usok ay mabilis maglaho. Si Sumire ay bigla na lamang umalis dahil sa labis na kalungkutang dulot ng pagtanggi ni Miu sa kanya. Walang nakakaalam kung saan siya nagpunta kaya alalang-alala sa kanya sina K at Miu.
2. Metaphor o Pagwawangis- ito ay tiyak at direktang paghahambing ng dalawang magkaibang bagay. Hindi na gumagamit ng mga salitang tulad, parang, at iba pa.
Mula sa kuwento: Ang katotohanan ay paglagpas sa isang linya at isang kasuotang hindi tugma ang pagkakabutones.
Paliwanag:
            Direktang inihalintulad ang katotohanan sa paglagpas sa isang linya at sa kasuotang hindi tugma ang pagkakabutones. Hindi natin makikita ang katotohanan kung hindi tayo lalabas sa ating “comfort zone”. At kung minsan ang katotohanan ay hindi naaayon sa ating kagustuhan. May mga pagkakataong malulungkot tayo dahil sa mga nangyari ngunit huwag sana tayong panghinaan ng loob bagkus ito ang maging inspirasyon natin upang maging matatag sa pagharap sa mga hamon ng buhay.



D. Sariling Reaksyon

1. Pananalig Pampanitikan/Teorya
Teoryang Siko-Analitiko
            Sa teoryang ito, may malaking impluwensya ang pahayag ni Freud na tanging ang ekonomiya lamang ang motibo ng lipunan. May kinalaman ito sa paniniwalang naghahanap-buhay tayo upang lasapin ang sarap ng buhay at nagkakaroon lamang ng maturidad ang isang tao bunga ng kanyang kamalayan sa kahirapan.
            Tinatalakay rin ang mga damdaming namamayani sa mga tauhan gaya ng pagmamahal, paghanga, pagdakila, gayon din ang mga negatibong damdamin ng pangamba, takot, pagkabigo at iba pa.

Paraan ng Pagsusuri:
1. Kahalagahan ng mga karanasan nang pagkabata
Paliwanag:
            Labis na trauma o pagkatakot na muling magmahal ang nadama ni Miu nang siya ay lumaki. Ito ay dahil sa kanyang naging karanasan noong bata pa. Nakulong siya sa ferris wheel at mula sa tuktok, tanaw niya ang bahay na tinutuluyan niya. Takang-taka siya nang makita ang sarili na nandoon at nakikipagtalik sa isang lalaki samantalang nakasakay siya sa ferris wheel sa mga sandaling iyon. Binanggit din sa kuwento na nagkaroon ng maraming kasintahan si Miu noong bata pa siya at sa edad na labimpito, hindi na siya birhen. Ang mga kaganapang ito ang nagbunsod kay Miu na matakot umibig muli. Ginawa niyang puti ang kanyang buhok upang makaiwas na magustuhan siya ng kalalakihan. Patunay lamang ito na malaki ang papel ng nakaraan sa paghubog ng ating pagkatao sa kasalukuyan.

2. Ang pagiging inosente o walang muwang, sexual at aggressive drives
Paliwanag:
            Nagpakita si Sumire ng pagiging emosyonal sa pagdedesisyon. Pinili niyang sumama kay Miu dahil gusto niyang mapalapit dito. Ang hindi niya alam, takot na magmahal si Miu kaya kahit ano ang gawin niyang pagsisikap, hinding-hindi siya nito mamahalin.
            Ipinakita niya rin ang kanyang pagnanasa at pagiging agresibo. Pahiwatig na gusto niyang makipagtalik. Sa kasamaang palad, tumanggi  si Miu. Nasaktan si Sumire at lumayo na lamang upang makalimot.

3. Ang defense mechanism at kung bakit ang bawat indibidwal ay magkakaibang kumikilos sa bawat sitwasyon
Paliwanag:
            Sa parte ni Miu, pinrotektahan niya ang kanyang sarili sa mga kalalakihan sa pamamagitan ng pagpapakulay ng puti sa kanyang buhok. Ito ang kanyang ginawa dahil sa takot na kanyang naramdaman mula nang siya ay bata pa. Nagdesisyon siya na huwag nang umibig muli.
            Sa parte naman ni Sumire, ang kanyang emosyon ang nagdidikta sa mga ikinikilos niya. Pinili niyang magtrabaho kay Miu upang mapalapit dito at hindi na niya ipinagpatuloy ang pangarap na maging manunulat. At nang minsang magkasarilinan silang dalawa ni Miu, hindi niya napigilan ang pagnanasa at naging agresibo siya sa kama. Nang tumanggi si Miu sa gusto niya, nasaktan siya nang husto at umalis nang walang paalam.
            Mas nangibabaw naman kay K ang kanyang pag-iisip. Hindi niya pinairal ang pag-ibig kay Sumire at sinuportahan niya na lang ang kagustuhan nito. Sa bandang huli ng kuwento, nagdesisyon siyang makipaghiwalay sa kanyang kasintahan. Ipinakita niyang nasa hustong pag-iisip siya at alam niya na mali ang makipagrelasyon sa ina ng kanyang estudyante.

2. Mga Pansin at Puna

a. Mga Tauhan
·         K
Siya ay kaibigan ni Sumire. May gusto siya kay Sumire ngunit hindi siya nagtapat ng kanyang nararamdaman dahil alam niyang si Miu ang gusto ni Sumire.Sinuportahan na lang niya ang mga desisyon ni Sumire. Positibo ang katangiang ipinakita ni K mula umpisa hanggang matapos ang kuwento. Nang malaman niyang nawawala si Sumire sa islang pinuntahan nila ni Miu, kaagad siyang pumunta doon upang tumulong sa paghahanap. Nang masangkot ang kanyang estudyanteng si Carrot sa nakawan sa isang pamilihan, pumunta siya upang makipag-areglo sa guwardiya. Hindi niya hinusgahan ang bata, sa halip inunawa niya ang kalagayan nito. Naipakita rin ni K na siya ay nasa hustong pag-iisip. Sa huli ay nakipaghiwalay siya sa kanyang kasintahan na ina ng kanyang estudyante dahil alam niyang hindi tama ang kanyang ginagawa. Pinili na lamang niyang mamuhay nang mag-isa.
·         Sumire
Isa siya sa mga pangunahing karakter at may gusto sa kapwa niya babae, si Miu. Masasabi kong padalos-dalos sa pagdedesisyon si Sumire. Nangangarap siyang maging manunulat ngunit hindi siya nagtuloy dahil pinili niya na makasama ang kanyang minamahal na si Miu. Tila hindi niya pinag-iisipan nang mabuti ang ginagawa, basta kung ano ang gusto niya, iyon ang sinusunod niya. Dumating sa puntong, hindi na niya napigilan ang sarili. Isang gabi ay sinunggaban niya si Miu at gusto niyang may mangyari sa kanila ngunit tumanggi si Miu. Labis na nasaktan si Sumire sa nangyari kung kaya’t umalis ito nang walang paalam. Biglaan na naman ang kanyang desisyon. Hindi niya inisip na may mga taong lubos na nag-aalala sa kanyang paglisan.

·         Miu
Siya ang babaeng minamahal ni Sumire. Nakakalungkot nga lang dahil takot na ito magmahal. Ito ay dahil sa sumusunod na pangyayari. Napanaginipan niyang nakulong siya sa ferris wheel, nakita niya ang kanyang sarili na nakikipagtalik sa isang lalaki. Simula noon, naramdaman niyang parang kulang ang kanyang pagkatao at hindi na rin siya muling umibig. Natuwa ako kay Miu dahil hindi niya pinatulan si Sumire. Labag sa mata ng Diyos at ng lipunan na makipagrelasyon sa kapwa babae. At nang umalis si Sumire, kaagad siyang tumawag kay K upang humingi ng tulong at mahanap ang kaibigan. Ipinakita niya na mahala si Sumire at nag-aalala siya sa kalagayan nito.

b. Galaw ng Pangyayari
            Mabilis at maayos ang galaw ng mga pangyayari. May mga parte ng lamang na puro pahiwatig ang inilalahad kaya nag-iiwan ito ng tanong sa aking isipan. May pangyayaring tila hindi totoo o pantasya lamang gaya ng nakita ni Miu ang kanyang sarili na nakikipagtalik sa isang lalaki. Nakakasorpresa ang ibang pangyayari at ang iba’y parang walang kaugnayan sa kuwento, ngunit sa huli mauunawaan mo na ang bawat inilahad ay magkakaugnay. May mga rebelasyon na hindi mo aakalaing iyon pala ang naganap, tulad ng nakaraan ni Miu at ang hindi napagbigyang nais ni Sumire na makatalik si Miu. Ang lahat ay natuklasan ni K dahil sa dokumento na nakalagay sa kompyuter ni Sumire.
            Nagustuhan ko ang sinulat ni Haruki Murakami. Napag-isip ako ng nobelang ito. Medyo nalito ako sa kalagitnaan ng pagbabasa dahil na rin sa estilo ng manunulat, ngunit sa huli ay naunawaan ko rin naman.



3. Bisang Pampanitikan

a. Bisa sa Isip
            Tumatak sa aking isipan ang katangian ng bawat karakter. Ipinakita sa kuwento kung paano nakaapekto ang kanilang emosyon sa pagdedesisyon nila sa buhay. Nararapat na balansehin nating ang ating sarili, huwag puro emosyon ang pairalin. Gaya ni Sumire, gusto niyang maging isang manunulat ngunit hindi niya itinuloy dahil mas pinili niyang magtrabaho kasama ang iniibig niyang si Miu. Dapat ay itinuloy niya ang kanyang pangarap lalo na’t hindi naman siya nakasisiguro na kapag sumama siya kay Miu, may maganda itong kalalabasan. Sa bandang huli, nabigo rin naman siya at piniling lumayo upang malimot ang kanyang dinaramdam.  
Malaki ang papel ng nakaraaan sa kasalukuyan. Katulad ni Miu, nadala na siya makipagrelasyon dahil sa nangyari noong siya ay bata pa. Kung kaya, ang kanyang buhok ay pinakulayan ng puti upang maiwasang magustuhan siya ng mga lalaki. Patunay lamang ito na malaki ang epekto ng mga nakaraang pangyayari sa paghubog ng ating pagkatao sa kasalukuyan.

b. Bisa sa Damdamin
            Nakakalungkot isipin na hindi lahat ng pag-ibig sa mundo ay nasusuklian. Katulad ng pag-ibig ni Sumire kay Miu, isinakripisyo pa naman ni Sumire ang kanyang pangarap na maging manunulat ngunit hindi naging sulit ang ginawa niyang sakripisyo. Hindi rin siya naging masaya o sa madaling sabi, nabigo siya, dahil ang babaeng kanyang inibig ay takot nang magmahal. Humanga ako sa pagpapahalaga ni K kay Sumire. Pumunta siya agad ng Greece nang malamang nawawala ito. Kahit alam niyang hindi naman nito masusuklian ang lihim niyang pagtingin, hindi siya nag-alinlangan na tumungo doon upang tumulong sa paghahanap.


c. Bisa sa Kaasalan
            Tama ang ginawang desisyon ni K na makipaghiwalay sa kanyang kasintahan. Hindi kaaya-ayang tingnan na ang isang guro ay nakikipagrelasyon sa ina ng kanyang estudyante. Sa ating lipunan, hindi katanggap-tanggap ang ganitong sitwasyon.
            Nakakatuwa ang ipinakitang ugali ni K sa kanyang estudyanteng si Carrot na sa kabila ng kamalian nitong nagawa, hindi siya nanghusga bagkus inunawa niya ang damdamin niyo. Sa kabilang banda, humanga ako sa ginawang paglilihim ni K ng kanyang nararamdaman para kay Sumire. Kahit pa sa sabihing si Miu ang gusto ni Sumire, hindi naman umabot sa puntong naging mas malalim ang naging ugnayan nila ngunit pinili niya pa ring kimkimin ang kanyang pagtatangi at sinuportahan na lang niya si Sumire kung kanino ito masaya.

d. Bisa sa Lipunan
            Isapuso at isaisip natin ang aral ng kuwentong ito. Sa buhay pag-ibig, hindi laging masaya. Minsan luluha rin tayo at masasaktan. Kailangan natin ito tanggapin dahil parte ito ng buhay. Huwag nga lang sana tayo magdesisyon kapag tayo ay sobrang lungkot dahil maaari tayong magkamali sa ating ginagawa. Hindi dapat mangibabaw ang emosyon sa ating buhay. Dapat balanse ang pag-iral ng emosyon at pag-iisip nang sa gayon ay matimbang natin kung ano ang tama at mali. Kapag gagawa tayo ng hakbang, isipin din natin yung mga taong nasa paligid natin. Ano kaya ang mararamdaman nila? Matutuwa ba sila? Masasaktan ba sila? Huwag puro sarili ang isipin sapagkat hindi tayo nabubuhay para lamang sarili, nabubuhay din tayo para sa ibang tao.

3. Lagom at Kongklusyon
         Hindi naging masaya ang tatlong karakter sa kanilang buhay pag-ibig. Si K na matagal nang minamahal si Sumire ay hindi kailanman nagkaroon ng lakas ng loob na magtapat. Nakuntento na lamang siya na suportahan ang minamahal sa nais nitong mapalapit kay Miu. Sumama si Sumire kay Miu sa pag-asang mas mapalalim pa ang ugnayan nila ngunit nabigo siya dahil takot na muling umibig ang babaeng minamahal niya. Katulad ni K at Sumire, hindi rin naging masaya si Miu dahil nabuhay siya kalakip ang takot na naramdaman mula ng siya’y bata pa.
        Maraming simbolo at pahiwatig na inilahad sa kuwento na talaga namang hahamon sa kritikal na pag-iisip ng mambabasa. Dahil sa mga pahiwatig na ito, nalaman ko kung bakit Sputnik Sweetheart ang pamagat ng aking binasa. Inihalintulad ang pagkakakilala nina Miu at Sumire sa sasakyang pangkalawakan na ito. Saglit lamang silang nagkasama, parang Sputnik na dumaan lamang ng ilang Segundo, pagkatapos ay muli nilang daranasin ang pag-iisa.
        May taglay ring aral sa buhay ang kuwentong ito. Hindi dapat magpadalos-dalos sa pagdedesisyon dahil hindi ito magbubunga nang mabuti. Kilalanin muna natin ang taong paglalaanan natin ng pag-ibig. Alamin ang kanyang pinagdadaanan, saloobin at pananaw nang sa gayon hindi tayo magtaka sa kanyang mga ikinikilos.
         Sa pangkalahatan, napakahusay ng pagkakasulat ni Haruki Murakami sa nobelang ito. Kakaiba ang kanyang estilo, puno ng pahiwatig at simbolismo ang bawat pahayag, may halong pantasya ang ilang pangyayari, kapana-panabik ang bawat tagpo at kapupulutan ng aral sa buhay.


Sanggunian:
Chug, C. M. (2013). Mga Tayutay. Powerpoint Slides]. Halaw sa                          http://www.slideshare.net
Maikling Talambuhay, Estilo, at Parangal na Natanggap ni Haruki Murakami. Halaw sa                  http://en.wikipedia.org/wiki/Haruki
Maslog, C. C. (2008). Teoryang Siko-Analitiko. Panunuring Pampanitikan, 19-20.
Matutina, C. J. (2009). Mga Teoryang Pampanitikan. Halaw sa                  www.pageglimpse.com/siko-analitiko
Mayos, N. M. (2009). Ang Nobela Bilang Akdang Pampanitikan. Nobela at Maikling        Kuwento, 25-30.
Sputnik Sweetheart. PDF. Halaw sa                  http://literatori.files.wordpress.com/2013/08/sputnik-sweetheart.pdf
Villafuerte, P. V. Balangkas ng Pagsusuri. Panunuring Pampanitikan, 22-24.